
Diwa ng Manlalakbay
Paglisan Para Sa Misyon
Pagtatalaga, panalangin at pagninilay sa Puso ni Hesus ay mga elementong dapat angkinin para sa Misyon. Tunay na sa kaibuturan ng ating pagkatao nandoon ang umaapaw na tawag ng Misyon. Hindi maitatanggi ng sinumang tao na siya ay may misyon sa buhay, higit lalo na ng mga Kristiyano na tinatawag na maging tunay na alagad ni Kristo.
PUBLISHED ON
Jul 2018Ang salitang "misyon” ay nagdadala at humihimok sa tao patungo sa mga bagong pagkakataon ng buhay. Hindi ito nangangahulugan ng pananatili sa isang sulok. Bagkus ito ay patuloy na paghahanap ng pagsulong ng buhay at dignidad ng tao bilang nilalang ng Maykapal. Ang ibig sabihin ng misyon ay paglabas, paglalakad, pagdiriwang, pagdadala, pagbabahagi, upang patuloy na humayo. Nangangahulugan ito ng isang paala-ala sa ating mga misyonero na bukod sa pagmamahal sa kapwa, hindi tayo dapat mag-ugat ng anumang bahagi ng ating buhay sa iisang lugar o sitwasyon dahil ang Panginoon ay palaging may bagong mga plano na naghihintay para sa atin sa iba pang mga lugar. Alam nating lahat na ang tunay na misyon ay hindi hihinto dahil sa ating paglisan, bagkus, sinusubok at pinatitibay nito na harapin ng mga tao ang hamon ng misyon.
Para sa aming mga Misyonerong Comboniano, mayroong isang imbitasyon lagi ang paglisan. Para sa amin, dapat naming malaman at matutunan ang tunay na hakbang ng pag-alis sa aming lupain, sa aming mga kamag-anak, sa mga taong malalapit sa amin, sa aming mga ginagampanan sa buhay. Sa madaling salita, ang pamilya, ang mga mahal namin sa buhay, ang lugar kung saan kami ay kumportable at ligtas ay dapat naming matutunang iwanan sa ngalan ng misyon.
Upang matupad ang tawag ng Misyon, kailangang magkaroon tayo ng isang malaking puso upang hayaan ang ating sarili na mahalin at hanapin ang kaligayahan sa mga maliliit na bagay ng buhay. Sa panuntunan ng buhay bilang Misyonerong Comboniano, lagi naming tinatandaan na ang Espiritung Panginoon ang nagpapaunlad at nagpapabago sa mga tao, na bilang mga misyonero, kami ay tinawag ng Ama at ipinadala ng Simbahan para sa Misyon (Rule of Life, 56).
Nararapat lamang na magkaroon ng buong pagtitiwala sa Banal na Espiritu na siyang pundasyon upang magkaroon ng bukas na puso at higit na pagtitwala upang lakbayin ang landas ng misyon ni Hesus. Kinikilala din na sa bawat tagapaghatid ng Mabuting Balita, kumikilos ang Espiritu at ipinapakita sa kanya ang misteryo ni Kristo at ang Kanyang mga turo. Ang pagiging payak, masunurin at mapagkumbaba ay mga katangiang kailangan upang tunay na magampanan ang tawag ng Misyon.
Ang paglisan ay hindi katapusan. Ito ay simula lamang ng pagtahak sa landas ng Misyon.