“Nasaan po ang simbahan ninyo?”
“Wala pa po kaming simbahan.”
“Paano ninyo ipinagdiriwang ang Banal na Misa at mga sakramento?”
“Sa mga chapels po at ilang tahanan.”
“Mahirap yata iyon!”
Tuwing Linggo ay ipinagdiriwang namin, katulong ang isa pang pari at mga lingkod pastoral, ang Banal na Misa sa apat na chapels at isang tahanan. Tuwing Sabado naman ay may anticipated mass sa isang chapel at isang tahanan. Isa sa tatlong chapels na may mas maraming mananampalataya ang pinagmimisahan naman tuwing Martes hanggang Biyernes. Kadalasan ang binyag, kasal at libing ay isinasagawa sa isang kapilya o kaya naman ay nakikigamit kami ng simbahan ng kapitbahay na parokya. Kung may malakihang pagtitipon naman gaya ng kumpil, fiesta, misa de gallo atbp., ito ay isinasagawa sa isang covered court o paaralan. Isang maliit na silid sa bahay na inuupahan namin ang nagsisilbing opisina ng parokya. Ang ganitong set-up, ay nagdadala ng ilang mga inconveniences mula sa pangangailangang dalhin ang mga gamit na pangmisa, sound system na madalas pumapalya, at ang lugar ay di sapat sa bilang ng mga nagsisimba.
Bakit ba sinimulan na ang Parokya ng wala pang simbahan? Dahil ang tunay na Simbahan ay hindi ang gusali, bagama’t ito’y mahalaga sa pagsamba at mga pagdiriwang. Ang tunay na Simbahan ay ang mananampalatayang nagkakaisa ang puso sa pag-aalay ng mga panalangin at papuri sa Diyos. Ito ang Katawan ni Kristo – ang Simbahan. Sa loob ng dalawang taon, ito ang sinikap naming itayo – ang Simbahang Katawan ni Kristo. Tinipon namin ang mga lingkod pastoral at binuo ang konseho pastoral, binuhay ang iba’t-ibang ministeryo gaya ng mga Lectors and Commentators, Catechists, Music Ministry, Altar Servers, at Ministers of the Sick, Social Action Ministers. Ginawang palagian ang Banal na Misa upang mapalapit ito sa mga mananampalataya. Pinahalagahan ang paghuhubog sa bawat grupo at lingkod pastoral. Hindi rin natin nakalimutan ang ating mga kapatid na Katutubong Aeta, liwanagan nawa ng Ebanghelyo ang kanilang kultura at tradisyon. Ngayon ay mayroon na tayong isang pamilya ng Diyos na sa awa Niya at paggabay ay patuloy pang lumalago.
Nalalapit na rin ang pagtatayo ng gusali ng simbahan. Nananabik na ang mga lingkod pastoral at mga mananampalataya na makapagdiwang nang sama-sama sa iisang lugar. Handa na rin silang magpagal upang maisakatuparan ang kanilang pangarap. Inaasahan namin na kayong mga kaagapay namin sa misyon ay kasama rin namin sa pangarap na ito.